Alas nuwebe y media na ng gabi nang tumunog ang trumpeta. May duty kami. Pinapila kaming lahat sa harap ng Ramos hall para bilangin. Pagkatapos mabilang ay sabay-sabay na kaming pinapunta sa bodega para daw mag-withdraw ng gamit.
Lumalalim na ang gabi. Madilim na ang dadaanan papunta sa sinabing bodega. Magkakalayo ang pagitan ng mag poste. Bundok kasi kya hindi basta-basta pwede magtayo ng poste ng ilaw sa gilid ng daanan. Kasabay ng aming pagmarsta, tunog na lang ng mga kuliglig at iba pang insekto ang naririnig namin. Ang hanging malamig na nakakasalubong ko ng panahong yaon ay nakakapagpatindig ng aking mga balahibo.
Habang papalapit kami ay nababanaag namin ang isang m atangkad, may matipunong pangangatawang at may maigsing buhok, si Sgt Esteban pala.
“Pulutong, to!” ang sigaw ng lider namin.
“Ang mga babae, pumila dito”, ang matigas na utos ni sergeant, sabay turo sa bandang kaliwa niya na malapit sa poste ng ilaw. “Huwag niyo kalimutan pumirma sa papel na nasa mesa ko”, ang bilin ni sargent.
Kami naman ay nagmamadaling pumunta sa pwestong itinuro niya. Pumasok si sergeant sa bodega. Maya-maya pa’y isa-sa na niya kaming tinawag.
“Abella, Cabanela, Cudia, Famulag… “
Pumasok kami sa bodega. Parang maze ang itsura. Pagpasok ng pinto ay mayroong mga pasikot sikot na daan para sa mga supplies na kukunin. Sa bandang kaliwa ay naroon ang mga nakabalot na puting T-shirts.
“Sargent, wala bang extra small dito sa mga white T-shirts? Masyado kasing malaki yung mga sizes na nandito. Puro medium, maliit lang ang katawan ko. Masyado ring maluwag pag inipit na sa uniform,” pagtatanong ko kay sargent habang abala din siya sa pag-aabot ng mga kahon ng sapatos sa mga kaklase ko.
“Pasensya na cadet, walang dumating na additional supply. Yan lang ang sizes na available,” ang sagot ni sargent.
“Sige po, ok na muna to. Mukha nga lang akong puppet nito pag sinuot ko, ” pagbibirong sagot ko kay sargent.
Lumipat na ako sa katabi nito para sa mga puting medyas.
Sa katapat naman ay ang mga itim naman na medyas. Kumuha ako ng tig-anim gaya ng bilin ni sargent. Umusad na ko at sa next station ko, sa bandang gilid pa ng mesa ni sergeant ay naroon ang mga puting panyo. Limang piraso naman ang kinuha ko. Sa kabila nito ay ang mga pantalon na nakabalot sa plastic na may kanya-kanyang pangalan na nakasulat ng pentel pen. Natagalan ako sa paghanap dahil nadaganan pa yung pantalon ko ng mga issue ng mga kaklase ko.
Lumabas na ako ng bodega pagkatapos ko makuha lahat ng supplies ko. Parang nag-shopping ako pagkatapos. Punong puno ang bag na issue din sa amin. Pero ang masarap dun, wala naman akong dalang pera subalit mabibihisan ko ang aking sarili mula ulo hanggang paa. Pirma lang ang kailangan ko gawin para makuha ang mga gamit ko. Ang saya talaga. Libre kasi talaga ang mga supplies sa academy na napasukan ko.
Hindi ko alam kung anong oras na nang makalabas ako ng bodega. Sa dami kasi ng pwede ma-withdraw, relo ang hindi pwede. Ang sabi ng squadleader ko, dapat daw hindi namin alam ang oras para hindi kami kaagad naiinip sa pananatili namin loob ng academy.
“…Taguinod, Urbano, Valentino”, tawag ni sargent sa tatlong huling babae sa pila.
Sa wakas, malapit na ulit kami pabalikin sa aming mga kwarto para ayusin ang mga bagong gamit namin. Sa paghihintay ko, kinausap ko muna yung mga lalaking naroon din at nag-wiwithdraw ng mga gamit. Inusisa ko kung ano-anong mga gamit ang inissue sa kanila.
“Bok, anu yan?, ” sabay turo ko sa sa itim na parang short na nakapatong sa mga T-shirts niyang puti.
“Ah, eto ba, supporter to bok”, ang sagot niya.
“Bakit ako wala niyan?”, ang tanging nasabi ko.
Nagkagulo na ang mga mga kaklase ko dahil lumabas na ulit si sargent para paayusin ang pila namin pabalik sa aming barracks.
–Dana Mariel V Cudia
Posted in Uncategorized
Tags: Dana Mariel Cudia